SA HARAP NG MGA ANINO NG KAMATAYAN AT PAGWAWAGI

In the Face of the Shadows of Death and Winning  

Authors

  • MJ Rafal Polytechnic University of the Philippines Author

DOI:

https://doi.org/10.70922/yt3n5649

Abstract

Setyembre ngayong taon, pumanaw si Fredric Jameson, Amerikanong iskolar at makapangyarihang tinig ng Marxistang pagsusuri sa panitikan, kultura, at kasaysayan. Bilang isa sa mga pangunahing intelektuwal-kritiko ng ating panahon, hindi lamang tiningnan ni Jameson ang panitikan bilang mabunyi at kapitapitagang anyo/lunan ng sining—para sa kaniya, isa itong masalimuot na produkto at entablado ng mga puwersang panlipunan at pampulitika.

Sa kanyang aklat na Postmodernism, or, the Cultural Logic of Late Capitalism (1991), halimbawa, binatikos niya ang postmodernismo bilang isang yugto ng kulturang hinubog ng huling tungki ng kapitalismo. Kay Jameson, sa ilalim ng postmodernismo, sa udyok ng kapitalismo, binaklas at inalis ang kakayahan ng sining na mag-ukol ng kritikal at lantay na alternatibo—o ng utopyang maaaring pagsilip at pagtupad sa posibilidad ng hihigit/papalit sa kasakuluyan nating realidad.

Lagi itong panahon ng kawalang-katiyakan, kung kaya’t lagi rin itong paghamon na lingunin at usisain ang kasaysayan at maghanap ng mga bagong direksyon. Deklarasyon ni Jameson: "Always historicize!"—isang pagbabalik-tanaw at pagsusuri ng bawat anyo ng kultura sa konteksto ng panlipunang istruktura.

Sa kanyang paglisan, naiwang nakabitin ang mga tanong: Ano ang hinaharap ng sining sa panahong lumalalim ang kapitalistang panggigipit? Paano natin mababasa ang mundo, kung ang lahat, lagi, ay palatandaan ng isang sistemang tila hindi matatakasan?

Author Biography

  • MJ Rafal, Polytechnic University of the Philippines

    Nagtapos ng AB History at MA Filipino sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas kung saan din siya nagtuturo ng mga asignaturang Filipino, Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pagsasalin. Siya rin ang kasalukuyang punong patnugot ng Entrada, ang pampanitikang dyornal ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP katuwang ang Opisina ng Publikasyong Pampananaliksik. Tinipon at inedit niya ang PYLON: Isangdaa’t Labing Isang Tula ng mga Makata sa PUP. Nailathala na sa iba’t ibang mga antolohiya at publikasyon ang kanyang mga tula, kuwento, sanaysay, pananaliksik, at mga salin; nagawaran na rin ang mga ito ng mga pagkilala mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), Maningning Miclat Art Foundation, Inc. (MMAFI), Sentro ng Wikang Filipino – Unibersidad ng Pilipinas (SWF-UP) at Propesyunal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS). Nanunungkulan siya ngayon bilang NCR Representative para sa National Committee on Literary Arts (NCLA) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa taong 2023 hanggang 2025. Kasapi siya ng KM64 Writers Collective at Concerned Artists of the Philippines. Binubuno niya ngayon ang programang PhD Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Published

2024-12-31

Issue

Section

Introduksiyon/Introduction

How to Cite

SA HARAP NG MGA ANINO NG KAMATAYAN AT PAGWAWAGI: In the Face of the Shadows of Death and Winning  . (2024). Entrada, 10. https://doi.org/10.70922/yt3n5649