GASÁ SA GAZA: PANITIKAN AT PANININDIGAN SA PANAHON NG DIGMA

Authors

  • MJ Rafal Polytechnic University of the Philippines Author

DOI:

https://doi.org/10.70922/bb8yyf82

Abstract

Matindi ang hamon ng taong 2023.

Bago matapos ang taon, lumantad sa ating lahat ang lagim na matagal nang nangyayari sa Gaza—ang paglipol ng Israel sa mga Palestino, ang sistematikong pagpapaalis sa lupaing marapat namang para talaga sa mga katutubong Palestino. Ngunit hindi sa kaso ng Israel na kinasasapakat ng imperyalistang Estados Unidos upang tuloy-tuloy ang opensibang militar laban sa mga inaakusahang teroristang Hamas, pinalalabnaw ang rebolusyunaryong diwa ng pagbawi para pulbusin ang hindi naman mapupulbos na adhika at tapang ng mga Palestino na ipaglaban ang kanilang lupa at lahi. Wika nga ni Yahya R. Sarraj, ang mayor ng Gaza, sa kanyang maikling artikulo sa The New York Times, “Palestinians deserve to be free and have self-determination. Gaza’s emblem is the phoenix, which rises from the ashes. It insists on life” (2023).

Hindi na ito usapin na lamang ng relihiyon. Lupa at lupa pa rin ang dahilan kung bakit may digmaan. At laging ang mga bata, kababaihan at matatanda ang unang nasasawi sa ganitong lagim. Tuloy-tuloy rin ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia. Tila ba nasa bingit tayo ng napipintong pagkawasak at ang tanging nagagawa na lamang natin ay sumaksi sa mga nangyayari at maaari pang mangyari.

Ngunit kung saksi lamang tayo sa pagbangon ng phoenix mula sa abo, hindi ba’t tila kasabwat na rin tayo ng mga kaaway habang may lagim na nailalantad sa ating harapan? Gayunman ang maibabato ng karaniwang tao: ano ang magagawa ng tulad kong maliit sa ganito kalalaking pangyayari? 

Dito marahil pumupuwang ang panitikan. Dito nagkakaroon ng kahulugan ang manunulat.

Author Biography

  • MJ Rafal, Polytechnic University of the Philippines

    Nagtapos ng AB History at MA Filipino sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas kung saan din siya nagtuturo ng mga asignaturang Filipino, Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pagsasalin. Siya rin ang kasalukuyang punong patnugot ng Entrada, ang pampanitikang dyornal ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP katuwang ang Opisina ng Publikasyong Pampananaliksik. Tinipon at inedit niya ang PYLON: Isangdaa’t Labing Isang Tula ng mga Makata sa PUP. Nailathala na sa iba’t ibang mga antolohiya at publikasyon ang kanyang mga tula, kuwento, sanaysay, pananaliksik, at mga salin; nagawaran na rin ang mga ito ng mga pagkilala mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), Maningning Miclat Art Foundation, Inc. (MMAFI), Sentro ng Wikang Filipino – Unibersidad ng Pilipinas (SWF-UP) at Propesyunal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS). Nanunungkulan siya ngayon bilang NCR Representative para sa National Committee on Literary Arts (NCLA) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa taong 2023 hanggang 2025. Kasapi siya ng KM64 Writers Collective at Concerned Artists of the Philippines. Binubuno niya ngayon ang programang PhD Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Published

2023-12-31

Issue

Section

Introduksiyon/Introduction

How to Cite

GASÁ SA GAZA: PANITIKAN AT PANININDIGAN SA PANAHON NG DIGMA. (2023). Entrada, 9. https://doi.org/10.70922/bb8yyf82