PAGGALUGAD SA ISINAHOL AT PAGBAWI NG DANGAL: ANG PAGLALAKBAY NG PERSONANG ‘AKO’ NI BAYANI S. ABADILLA SA SIGLIWA KAMAO AYON SA ‘AKO’ NI ALEJANDRO G. ABADILLA

Authors

  • Roberto Ofanda Umil Polytechnic University of the Philippines Author

DOI:

https://doi.org/10.70922/8jkm0s55

Abstract

Kaakibat ng advokasi para sa pagbabago ang henera realismong panlipunan sa disiplina ng malikhaing pagsusulat, litaw ito maging sa Sigliwa Kamao (SK), antolohiya ng panulaan ni Bayani S. Abadilla, may poetikang ‘Wisyo ng masang Pinoy,’ ‘diwang anakpawis o proletaryo.’ Inilalantad ng panulat ni Bayani, nakasanayan tawaging ‘Ka Bay’ ng mga kaibigan, ang batayang suliranin sa kaayusang panlipunang nagsasalaylayan sa malawak na produktibong hanay ng mamamayan: magsasaka, manggagawa; karaniwang profesyonal, negosyante. Tulad ng tradisyong ginagad ng GAT o Galian sa Arte at Tula (post-Rio Alma 1993 mula 1989), GAT (1986 mula 1973),1 mga manunulat sa Wikang Pilipino/Tagalog pagkatapos, habang may Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pabalik sa unang hati ng ika-20 dantaon, na inilatag ng Mapaghimagsik (Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, et al), at Propagandista (Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, et al). Gamit ang dalumat ng unang panauhan na personang panghalip na ako (umuugat sa Asyanong tradisyon) ni Alejandro G. Abadilla (AGA), bayani ni Zeus Salazar, at pagsusuring diskursong kritikal, ihaharap dito ang poesiya ng SK na naglalahad sa kontextong hinantungan ng malawak na mamamayang tinulaan. Gayon din, ang personang ‘ako,’ at poetika ng autor na gumalugad sa pag-akdang bayan upang suungin ang responsabilidad na mag-ambag sa ikalulubos ng dangal para sa soberanya ng bansa. Hangarin ng pag-aaral na maisalarawan ang mga katangiang taglay, at kinakatawan ng personang ‘ako’ ni Ka Bay bilang isa sa tagapagpadaloy ng naratibo ng pagbabago sa unang dalawang dekada ng ika-21 dantaon. Bagaman hindi pahambing ang pag-aaral na ito, lumilitaw na ang personang ‘ako’ ni Ka Bay ay may ibang pamantayan sa ako ni AGA.

Author Biography

  • Roberto Ofanda Umil, Polytechnic University of the Philippines

    Kilala rin bilang ‘Abet,’ manunulat, tagasalin, mananaliksik, filmmaker, at tagapagtanghal: may-akda ng dalawang aklat ng panulaan, at editor ng antolohiya ng dalawa pang aklat ng mga tula, dagli, at sanaysay. Ang kanyang kritikal na papel, “Ang Kiskisan, Eskatolohiya at Pahiwatig ng Sumuling-suling na Kaluluwa ni Ismael, Pangunahing Tauhan ng, Sa Piling ng mga Bituin, ni Rogelio L. Ordoñez, Ayon sa mga Dalumat ng Tradisyong Vedik sa Yugto ng Pagkagumon (Rapture),” ay naipresenta sa Reading the Region 3, pagdiriwang ng Buwan ng Sining 2022. Kabilang din ito sa mga artikulong lumabas sa HIMAYA: Panitikan ng Pagbabanyuhay, publikasyon ng National Commission on Culture and the Arts. Ang kanyang mga salin ng teknikal na sulatin at pampanitikan ay ginagamit sa abrod. Ginawaran ang kanyang mga tula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at iba pang gawad pampanitikan. Napasama siya bilang assistant director sa produksiyon ng isang short feature, 35 mm. film na Grand Prize sa International Film Festival, Cinemanila at iba pang gawad pampelikula. Ang mga dinirek niyang dokyu ay nagwagi sa CCP Alternatibong Gawad sa Pelikula at Video, at QCinema. Bokalista, lirisista, kompositor ng bandang BERSUS. Tinatapos niya ang kanyang MA thesis sa programang Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Produkto si Abet ng Rio Alma Poetry Clinic, National Workshop on Grassroots Writing ng Pambansang Unyon ng mga Manunulat (PANULAT), Galian sa Arte at Tula (GAT, 1989 post Rio Alma), UP National Writers Workshop at Ricky Lee Film and TV Writing Workshop. Nakadalo na rin siya sa mga internasyonal, pambansang komferensiya sa araling Pilipinas, pampanitikan, at nakapagtanghal sa pambansang telebisyon. Dating segment producer sa programang dokyu ng isang TV network, at blogger sa isa pa. Kasalukuyang fakulti sa Kagawaran ng Filipinolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sta. Mesa.

Published

2022-12-31

Issue

Section

Artikulo/Article

How to Cite

PAGGALUGAD SA ISINAHOL AT PAGBAWI NG DANGAL: ANG PAGLALAKBAY NG PERSONANG ‘AKO’ NI BAYANI S. ABADILLA SA SIGLIWA KAMAO AYON SA ‘AKO’ NI ALEJANDRO G. ABADILLA. (2022). Entrada, 8. https://doi.org/10.70922/8jkm0s55