Repleksiyon hinggil sa Neokolonyang Edukasyon: Neoliberalismong Indoktrinasyon Laban sa Mapagpalayang Pagtuturo at Kabatiran
DOI:
https://doi.org/10.70922/3ytv8591Abstract
Kailan lamang ipinagdiwang ang pagtatag ng unang Republika ng Filipinas sa Malolos, Bulakan, noong Hunyo 12, 1898. Ngunit nawasak iyon nang sakupin tayo ng mga tropa ng Imperyalistang U.S. mula 1899 hanggang 1946. Nakamtan ang di-umano’y kasarinlan, datapwat iyon ay “flag independence” lamang sanhi sa sapilitang pagpayag na manatili ang puwersa—militar, pang-ekonomya’t pampulitika—ng U.S. sa bansa. Ang
dating kolonya ay naging neokolonya, hindi post-kolonya (San Juan 2022; Woddis 1967). Patunay rito ang pagbabalik ng mga base militar ng Washington-Pentagon. Bukod sa paggamit sa Clark Field Air Base, Subic Naval Base (na napatasik noong 1992), at iba pang kuta, nabigyan pa ng apat na bagong base ang US (DeYoung & Tan 2023, A10). Pagsuko ito sa estratehiya ng Washington-Pentagon laban sa Tsina sa napipintong away hinggil sa Taiwan, na tanggap na bahagi ng People’ Republic of China. Ipinakatwiran sa panghihimasok na ito ang Visiting Forces Agreement (VFA), Enhanced Defense Cooperation Agreement, kapwa nakasalig sa 1947 U.S.-RP Military Assistance Agreement (Schirmer & Shalom 1987), na mabisang umuugit sa pamamalakad ng buong Estado, sampu ng burokrasya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Police (PNP) na ginamit ng diktadurang Marcos sa panahon ng batas militar (Eadie 2005).