Pagsasaespasyo at Pagpopook sa mga Pagkaing Pilipino sa New South Wales, Australia

Authors

DOI:

https://doi.org/10.70922/kx9kq904

Keywords:

Araling Kabanwahan, Australia, Kalutong Bayan, Kasaysayang Kabanwahan, Pilipinas

Abstract

Pangunahing layunin ng pag-aaral na ito na ugatin ang ugnayan ng Pilipinas at Australia –na labas o lalagpas sa padrong kinasanayang tumuon at kumiling sa usapin ng diplomasya, politikal, at iba pang usaping pang-estado-sa-estado at nasyon-sa-nasyon –na kung saan napag-iwanan at hindi gaanong nabibigyang tinig at tuon ang halagahin ng taumbayan sa kabuoan. Ang ganitong pamamayani ng Kanluraning pananaw ng Area Studies at Regionalism Studies ay sumasagka sa pagpapalitaw ng  kaakuhang makaPilipino-Asyano. Kaya naman upang itaas ang taumbayan, pinahahalagahan sa pag-aaral na ito ang paggamit ng pananaw na kumatig sa balangkas ng Araling Kabanwahan at Kasaysayang Kabanwahan upang siyasatin ang ugnayan o pag-uugnay ng Pilipinas at ibayong dagat. Sa kasong ito, itinuon ang paksa sa pagsasaespasyo at pagpopook sa mga pagkaing Pilipino sa New South Wales, Australia nang sa gayon ay maitanghal ang “bayang Pilipino” sa entablado ng “ibang bayan.” Gayundin, karagdagang ambag ito sa pinagyayamang konsepto ng Kalutong Bayan. Liban sa aktuwal na pakikilahok ng mananaliksik sa espasyo ng Australia, gumamit din ito ng metodolohiyang taal sa mga Pilipino –gaya ng pagtatanong-tanong, pakikipagkuwentuhan o pagpapakuwento, patikim-tikim, pagtingin-tingin, at pagsusuruy-suroy na matagal nang pinagyayaman sa mundo ng Filipinisasyon. 

Downloads

Download data is not yet available.

Author Biography

  • Axle Christien J. Tugano, University of the Philippines Los Baños

    AXLE CHRISTIEN J. TUGANO . Naglilingkod bilang Instructor ng Kasaysayan sa Division of History, Department of Social Sciences, University of the Philippines Los Baños, Laguna. Nagtapos ng B.A. History sa Polytechnic University of the Philippines Manila (batch valedictorian, magna cum laude). Tinatapos ang kaniyang M.A. Philippine Studies sa Asian Center, University of the Philippines, Diliman, Quezon City. Nakapaglimbag ng mga artikulo sa mga refiradong dyornal sa Diliman Review, Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature, at Asian Studies: Journal of Critical Perspectives on Asia ng UP Diliman; Katipunan Journal ng Ateneo de Manila University; Dalumat E-Journal; Tala Kasaysayan Journal; at Hasaan Journal ng University of Santo Tomas; Social Science and Development Review, Mabini Review, Bisig Journal, at Talastasan Journal ng PUP Manila; Saliksik E-Journal ng Bagong Kasaysayan Inc. (BAKAS); International Journal of Transdisciplinary Knowledge ng State Islamic Institute of Kendari, Sulawesi Tenggara, Indonesia; Kawing Journal ng Pambansang Samahan ng Linggwistika at Literaturang Filipino, ang papalabas na mga artikulo sa Plaridel: A Philippine Journal of Communication, Media, and Society at Diliman Gender Review ng UP Diliman at Journal of Philippine Local History & Heritage ng National Historical Commission of the Philippines; at ilang pag- aaral na inilathala ng ATAGAN Tayabas; ADHIKA ng Pilipinas at National Commission for Culture and the Arts; at Center for Philippine Studies ng PUP. Editor ng aklat na Martes sa Escaler: Klase sa Historiograpiya ni Dr. Zeus Salazar (2019) at Banwa at Layag: Antolohiya ng mga Kuwentong Paglalakbay ng mga Pilipino sa Ibayong Dagat (2023).

     

    Nakapagsulat ng mga pag-aaral tungkol sa lokal na kasaysayan ng Marikina, halimbawa ang talambuhay ni Kapitan Moy; kasaysayang institusyonal ng Marikina Sports Center, pedagohiya ng pagtuturo sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo (2021), at kasaysayang pangkapaligiran na tumuon sa mga pagbaha. Kasamang tagapagtatag at nagsisilbing pangulo ng Kapisanan ng mga Mananaliksik sa Kasaysayan ng Marikina (KAMAKASAMA) na naglalayong isulong ang pag-aaral ng lokal na kasaysayan ng Marikina. Noong 2021, natanggap niya ang karangalan bilang Mananaysay ng Taon 2021, Ikatlong Gantimpala na iginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang kaniyang interes sa pananaliksik ay nakatuon sa araling pangmanlalakbay, diaspora at/o migrasyon, ugnayan ng Pilipinas sa ibayong dagat at Timog Silangang Asya, identity studies, at lokal na kasaysayan.

Downloads

Published

2023-07-10

How to Cite

Pagsasaespasyo at Pagpopook sa mga Pagkaing Pilipino sa New South Wales, Australia. (2023). Social Sciences and Development Review, 13(1), 119-157. https://doi.org/10.70922/kx9kq904